
PUERTO GALERA, Oriental Mindoro (Eagle News) — Patay sa pamamaril ang Konsehal ng Bayan at kanyang anak alas-4:00 ng hapon noong Martes, Oct. 3, sa harap ng kanilang tahanan.
Kinilala ang mga biktima na si Konsehal Melchor Arago at ang bunsong anak niyang Senior High School student na si Kenneth Arago nang barilin ng di pa nakikilalang riding in tandem.
Ayon sa mga saksi, nangyari ang insidente habang nakasakay ang konsehal sa kanyang Honda CR-V, at iginagarahe nito paatras sa kanilang tahanan sa Barangay Small Tabinay ng bayang ito.
Bumaba ang kanyang anak upang magbukas ng gate ngunit bago pa man maipasok ang sasakyan ay unang binaril ng mga suspect ang kanyang anak at isinunod na binaril ang konsehal.
May tama ng bala si Kenneth sa may bandang siko at sa ulo at si konsehal Melchor naman ay may tama ng bala sa gitna ng noo na siyang naging daglian nilang pagkamatay.
Kasalukuyan pang ikinakasa ng mga Puerto Galera Police Office ang manhunt at investigation sa motibo ng pamamaslang. (Randy Diamse and Leoven CalseƱa – Eagle News Correspondents)
